Wednesday, February 8, 2017

Libo-Libong residente lumikas dahil sa panggugulo umano ng NPA

Kasabay ng deklarasyon ng New People’s Army (NPA) kamakalawa na tinatapos na nila ang sinang-ayunang ‘unilateral ceasefire’ sa administrasyong Duterte, tatlong sundalo ng Philippine Army (PA) ang natagpuang lasug-lasog sa bala ang mga katawan, isang araw matapos mapabalitang nawawala sa Malaybalay, Bukidnon.

Pinaniniwalaang mga rebeldeng NPA ang nasa likod ng pagpaslang sa tatlo na natagpuang nakabulagta sa damuhang bahagi ng Sitio Kaleb, Brgy. Kibalabag, Malaybalay City noong kamakalawa ng alas-5:30 ng hapon.

Bagama’t nakilala na ang mga sundalo, sinabi ni Maj. Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command, na hindi muna nila papanga­lanan sa media ang mga biktima habang kinokontak pa ang pamilya upang iparating ang masamang balita.

Ayon kay 4ID spokesperson Capt. Jo Patrick Martinez, pawang kasapi ng Bayanihan Team Activity (BTA) ng 4th Infantry Division ng Philippine Army ang tatlo.

Kumuha lamang umano ng allowance ang mga biktima kaya’t pawang nakasibilyan at walang armas. Hindi na umano nakabalik ng kampo noong Martes ang tatlo hanggang sa matagpuan ang kanilang mga bangkay kinabukasan.

Kaugnay nito, mariing kinondena ng pamunuan ng Philippine Army ang brutal na pagpatay sa mga nakasibilyan at ‘unarmed’ nilang mga tauhan ng hinihinalang mga rebeldeng komunista.
Kamakalawa rin, isa pang junior officer ng PA ang napatay sa eng­kwentro ng mga rebeldeng NPA sa Sitio Paliwason, Brgy. Lambog, bayan ng Manay, Davao Oriental.

Nakilala ang batang opisyal na ‘killed in action’ na si 2Lt. Miguel Victor Alejo, platoon leader ng 67th Infantry Battalion, na tumugon sa pasaklolo ng mga sibil­yang residente.

Pero bago ang brutal na pagpatay sa tatlong nakasibilyang sundalo kamakalawa at pagputol sa ceasefire ay sunud-sunod na rin ang pag-atake ng NPA.

Noong Enero 29 ng gabi ay sinalakay ng mga rebeldeng pulahan ang isa sa resort na tinuluyan ng Miss Universe candidates, ang Pico de Loro Resort sa Brgy. Ilaya, Nasugbu, Batangas.

Nagpanggap pa umano na DENR inspectors na may kasamang mga naka-military uniform ang raiding team.

Isang araw matapos ito, isang military outpost sa Surigao City at tatlo pang detachment sa Agusan del Norte ang iniulat na pinaulanan ng bala ng mga hinihinalang rebeldeng NPA kung saan tatlong sundalo ang nasugatan.

WATCH VIDEO BELOW:


SOURCE: YOUTUBE

0 comments

Post a Comment